Pumapalo na umano sa halos 24-milyong mga estudyante ang nakapag-enroll sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa buong bansa para sa nalalapit na school year.
Sa isang virtual press briefing, sinabi ni Education Sec. Leonor Briones na “very impressive” na accomplishment ang turn-out ng mga enrollees.
“Ang ating enrollment ngayon ang ating mga learners, umabot na ng 23.9 million, halos 24 million na ang learners natin na nag-register. Everyday, meron tayong dagdag dahil may mga late enrollees,” wika ni Briones.
“Ito ay napaka-impressive na accomplishment, dahil this is already 86.10 percent compared to last year’s enrollment,” dagdag nito.
Batay sa ipinakitang datos, sa kabuuang bilang ng mga enrollees, 21.9-milyon ang nagpatala sa mga public schools, habang halos 1.9-milyon naman sa mga pribadong institusyon.
Kasama rin sa data ang 365,000 mag-aaraln na nag-enroll sa alternative learning system (ALS)
“Sa public sector, umabot na tayo ng 97.23 percent ng ating mga learners last year. Sa ALS, halos kalahati na ng dati nating nag-enroll ay bumablik na,” ani Briones.
“Sa private sector, halos 43 percent ay naka-enroll,” anang kalihim.
Samantala, umabot na sa 398,000 ang bilang ng mga estudyanteng lumipat mula pribado patungong pampublikong mga paaralan bunsod aniya ng ng epekto ng COVID-19 pandemic sa ekonomiya.