-- Advertisements --

Inanunsiyo ng Bureau of Customs (BOC) na pansamantala nitong tinanggal mula sa website ang Online Duty and Tax Calculator upang isailalim sa masusing pagsasaayos ng sistema.

Ayon kay Customs Commissioner Ariel Nepomuceno, layon ng hakbang na gawing mas malinaw, mas maaasahan, at mas tumutugon sa pangangailangan ng publiko ang naturang platform. Ipinaliwanag niya na bagaman nagbibigay ng tinatayang halaga ang kasalukuyang calculator, hindi nito lubos na naipapakita ang lahat ng singil na itinatakda ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) at iba pang kaukulang regulasyon.

Paraan din ito ng ahensya upang maiwasan ang kalituhan. Ang bagong bersyon na ilalabas ay magbibigay ng mas detalyadong breakdown para malinaw na maipakita ang tax na kailangang bayaran. 

Dagdag pa niya, sisikapin ng Customs na ang upgraded system ay regular na ma-update upang makasabay sa kasalukuyang taripa at bayarin, at maging gabay ng publiko para sa mas malinaw at transparent na computation.

Matatandaan na noong nakaraang linggo, inihayag ng aktres na si Bela Padilla ang kanyang pagkadismaya sa binayaran niyang tax para sa kanyang mga kargamento. Ani ng aktres sa kanyang social media post, siya ay na-charge ng halagang Php 4,600 para sa kanyang mga kargamentong nagkakahalaga lamang na Php 11,000. Nang suriin niya ito gamit ang naturang online calculator, ang nakalagay ay dapat nasa Php 1,650 lamang ang kanyang babayaran.

Tiniyak naman ng kagawaran na may mga mekanismo at safeguards upang manatiling tama at patas ang pinal na pagkukuwenta ng buwis at taripa sa lahat ng importasyon.