-- Advertisements --

Muling nabigo ang Bureau of Customs (BOC) na maibenta ang dalawang luxury vehicles ng mga super contractor na sina Curlee at Sarah Discaya matapos walang lumahok sa re-auction nitong Biyernes, Disyembre 5.

Ang Rolls-Royce Cullinan at 2022 Bentley Bentayga, na ibinaba ang floor price sa P36 million at P13 million, ay dating nasamsam dahil sa mga umano’y paglabag sa importation.

Ayon kay BOC Deputy Chief of Staff Chris Bendijo, mananatili sa kustodiya ng ahensya ang mga sasakyan habang pinag-aaralan ang pagtanggap ng mga direct offers, dahil prayoridad parin aniya ni Commissioner Ariel Nepomuceno na makalikom ng kita imbes na sirain ang mga sasakyan.

Samantala, dalawang ibang sasakyan naman ang naibenta sa parehong auction ito ang 2022 Toyota Tundra na nagkakahalaga ng P3.4 million at isang 2023 Toyota Sequoia sa halagang P6 million.

Bukod dito pitong sasakyan pa ng mag-asawang Discaya ang nauna nang nasamsam dahil sa kulang na permit at hindi nabayarang buwis; tatlo rito ang naibenta noong November 20 na may kabuuang P38.21 million.

Habang anim pang luxury vehicles ng Discaya ang patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad.