Tiniyak ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na walang special treatment kay dating Senator Ramon “Bong” Revilla Jr.
Sa isang pulong balitaan ngayong Martes, Enero 20, isiniwalat ng kalihim na personal siyang tinawagan ni Revilla matapos malaman na may inisyung arrest warrant laban sa kaniya.
Ayon pa kay Sec. Remulla, sinabihan umano niya ang dating Senador na mas mainam na sumuko na siya.
Kinumpirma rin ng DILG Chief na sumuko si Revilla sa Camp Crame sa pagitan ng oras na alas-8:00 ng gabi at alas-10:00 ng gabi nitong Lunes, Enero 19.
Idinetalye ni Remulla na tulad ng iba pang detainee, agad na sumailalim sa standard booking at custodial procedures ang dating Senador at binasahan ng kaniyang mga karapaan pagkadating sa Crame. Dumaan din ang dating mambabatas sa buong proseso na kinakailangan para sa boluntaryong pagsuko.
Bilang parte ng procedure, kinailangang isuko ni Revilla ang kaniyang 20 lisensiyadong baril.
Bago ang pagsuko ni Revilla, nagpahayag ng lungkot si Revilla dahil sa kawalan ng due process na nagresulta sa pag-isyu ng arrest warrant at hold departure order laban sa kaniya.
Sa kabila nito, nangako ang dating Senador na kaniyang haharapin ang mga kaso laban sa kaniya nang walang takot at kumpiyansang hindi siya iiwanan ng Diyos dahil siya ay inosente at humingi ng dalangin para sa kaniya at sa kaniyang pamilya.















