-- Advertisements --

Humiling ang Department of Education (DepEd) sa Philippine National Police (PNP) ng mas mataas na police visibility sa paligid ng mga paaralan upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral at guro sa gitna ng tumitinding kaso ng karahasan sa mga kabataan.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, nagkaroon siya ng pagpupulong kay PNP Chief Gen. Nicolas Torre III kung saan tinalakay ang pagpapalakas ng police visibility sa school vicinity, pati na rin ang posibilidad ng capacity-building para sa mga barangay first responders at security personnel sa mga paaralan.

Kinumpirma ng Pambansang Kapulisan na kabilang din sa kanilang napag-usapan ang pagpapatupad ng mga programa laban sa bullying at iba pang uri ng karahasan sa eskuwela.

Ang hakbang na ito ay kasunod ng direktiba ng kagawaran sa lahat ng paaralan na higpitan ang seguridad matapos ang nakamamatay na insidente ng pamamaril na kinasangkutan ng mga estudyante sa Nueva Ecija kamakailan.