Binigyang-diin ng Lawyers Commuters Safety adn Protection na hindi lang tamang proseso, kundi mabilis na aksyon ang dapat na gawin laban sa mga makapangyarihang sangkot sa flood control anomalies.
Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu,kay Atty. Ariel Inton, founder ng LCSP, nagpahayag ito ng pagkabahala dahil naiinip na umano ang mga tao sa mabagal na takbo ng imbestigasyon.
Sinabi pa ni Atty Inton na base sa mga pahayag ng mga nag-iimbestiga, wala pang sapat na ebidensya laban sa mga opisyal at may mga hadlang pa sa pagsasampa ng kaso.
Aniya, ang mga makapangyarihang pulitiko na sangkot sa naturang flood control scandal ay may pera at kapangyarihan na maaaring gamitin laban sa katotohanan.
“Ang inip ng tao ay dahil na rin sa tinatakbo ng imbestigasyon. Nasa poder pa rin ang mga balyenang politiko na nasasangkot sa iskandalo. May pera at kapangyarihan na maaring gamitin laban sa katotohanan, ” saad ni Atty. Inton.
Paalala pa ng abogado na nasa yugto pa lamang ng pangangalap ng ebidensya at imbestigasyon ang Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Dagdag pa nito na wala pa ring pag-arestong nangyayari sa ngayon, at posibleng irekomenda pa lang sa DOJ ang kaso bago magsimula ang preliminary investigation.
Kaya naman, panawagan ng grupo na gawing mabilis at tama ang mga hakbang para matiyak ang makatarungang paglilitis, at hindi ito magtagal sa proseso.
“Heto ang pinupunto ng mga tao Mr. President(BBM), hindi yun bagal kung hindi yun panahon na maaring magawa ng mga makapangyarihan para hindi sila makasuhan . At dito sa puntong ito puede yun quickly. Tanggalan sila ng impluwensya, kapangyarihan , pera at iba pa na puede magamit laban sa katotohan. At kapag nagawa na yan then do it rightly,” dagdag pa nito.
















