-- Advertisements --

KALIBO, Aklan— Walang masisidlan ng kanilang saya at kagalakan ang mga kaanak ni Dr. Marianne L. Raquin matapos na masungkit nito ang top 3 spot sa ginanap na October 2025 Veterinarians Licensure Examination kung saan, nakakuha siya ng 90.50% na iskor sa nasabing prestihiyosong eksaminasyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Richel Raquin Fernandez, nakakatandang kapatid ni Dr. Marianne, inihayag nito ang kaniyang pasasalamat sa panginoon sa biyaya para sa kaniyang kapatid matapos na mapabilang sa top 10 na bunga ng kaniyang pagsisikap, pagtitiis at sipag sa pag-aaral.

Dagdag pa nito na very private ang kaniyang kapatid kung kaya’t hindi sila nagduda simula’t sapol sa kapasidad ng kanilang bunso sa limang magkakapatid matapos na maulila sa kanilang mga magulang.

Ayon pa kay Fernandez na consistent awardee si Dr. Raquin sa academics mula noong nasa elementarya pa lamang ito hanggang sa nagkolehiyo sa pangangalaga ng kanilang tiyahin sa Barangay Dingle, Banga, Aklan.

Sa kasalukuyan aniya ay ninanamnam pa ng kanilang kapatid ang tagumpay nito bilang doktor ng mga hayop.

Si Dr. Raquin ay graduate ng Aklan State University School of Veterinary Medicine Class of 2024 at nagtapos bilang Cum Laude.

Ang ASU ay nakakuha ng 74.42% na overall performance matapos na nakatala ng 32 newly licensed veterinarians sa lumabas na resulta ng nasabing eksaminasyon.