-- Advertisements --

-diin ang pagpapahalaga sa Libingan ng mga Bayani ngayong Undas;3-araw na aktibidad sa libingan, magsisimula na ngayong araw

Binigyang-diin ng Philippine Army ang pagpapahalaga sa Libingan ng mga Bayani bilang marangal na himlayan ng mga sundalo, dating pangulo, at mga opisyal ng sandatahang lakas na nag-alay ng kanilang buhay para sa bayan.

Sa panayam ng Star FM Cebu kay Col. Louie Dema-ala, tagapagsalita ng Philippine Army, sinabi niyang ang Libingan ng mga Bayani ay patunay na kahit sa kabilang buhay ay nabibigyan ng marangal at mapayapang libingan ang mga naglingkod para sa bansa.

Paglilinaw ni Dema-ala, tanging mga kaanak ng mga namayapang bayani ang papayagang makapasok upang matiyak ang seguridad at kaayusan sa lugar.

“Libingan ng mga bayani – ito yung libingan ng mga namayapang sundalo, dating presidente, dating chief of staff and commanding general ng Philippine army and other generals. Ang mga allowed lang dun makapasok ay yung mga kamag-anak mismo ng mga namayapang bayani to ensure na rin yung security and peace and order sa loob,” saad ni Dema-ala

Simula ngayong araw, Oktubre 31, ay magsisimula ang tatlong araw na aktibidad sa loob ng libingan ngayong Undas, kabilang ang field mass at ceremonial handover ng flaglets at kandila na ilalagay sa mga puntod bilang tanda ng pagpapahalaga sa kabayanihan ng mga namayapang bayani.

Dagdag pa ni Dema-ala, gaya ng ibang sementeryo, ipinatutupad din ang mahigpit na mga alituntunin upang mapanatili ang kaayusan, kabilang ang pagbabawal sa pagdadala ng mga patalim, pagsusugal, bandalismo, at mga nakalalasing na inumin at mga flammable.

“Pinapahalagahan natin itong libingan ng mga bayani, dahil ito lang ang patunay natin na kahit sa kabilang buhay, ay mabibigyan natin ng isang maayos, marangal at mapayapa na libingan ang huling hantungan ng ating mga bayani na talagang nag-alay ng kanilang buhay para sa kaligtasan ng ating bansa,” dagdag pa nito.

Tiniyak din niya ang mahigpit na seguridad sa loob ng Libingan ng mga Bayani, katuwang ang kapulisan at lokal na pamahalaan, upang masiguro ang mapayapang paggunita ng Undas.

“In terms of security, in coordination tayo with the PNP and the local government of Taguig City. Sa part ng Philippine army, mayroon tayong isang platoon to provide security sa ating mga kababayan na dadalaw doon, at mayroon din tayong isang platoon para sa Civil Disturbance Management (CDM) and may mga nakaalerto na medical teams na nakapaikot sa loob,” pagtitiyak pa ng opisyal.