-- Advertisements --

Nagpahayag ng pagkabahala ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) hinggil sa kakulangan ng kapangyarihan at mga resources ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa pagsasagawa ng mga imbestigasyon ukol sa mga anomalya sa flood control projects.

Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu kay Carlos Miguel Oñate, spokesperson at Legislative Officer ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), binanggit nito na ang ICI ay may kakulangan sa mga kapangyarihan na dapat mayroon ito, partikular na ang contempt power.

Mahalaga din aniya na ang mga imbestigasyon ay maging bukas at transparent sa publiko.

Tinutukoy pa ni Oñate ang pangangailangan ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ng mas maraming tao, pondo, at mas matibay na mga batas upang tuluyang mapanagot ang mga responsable sa malalaking isyu ng korapsyon.

Binanggit din nito ang naunang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nagsabing, “Mahiya naman kayo,” ngunit hanggang ngayon ay wala pang nakakasuhan o naipapakulong hinggil sa mga isyu ng korapsyon.

Dagdag pa niya na para maibalik ang tiwala ng mamamayan, kinakailangan ng agarang aksyon at dapat umanong tiyakin ng administrasyon na lahat ng may sala ay papanagutin.