KALIBO, Aklan—Pinayagan ng lokal na pamahalaan ng Bacolod na magrenew ng kanilang provisional authority at registration ang mga unconsolidated jeepney operators and drivers para sa kaligtasan ng mga pasahero lalo na sa inaasahang pagbuhos ng mga byahero para makauwi sa kani-kanilang bayan upang gunitain ang Undas.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Bacolod Alliance of Commuters, Operators and Drivers (BACOD) – Manibela president Rudy Catedral, sa pamamagitan aniya sa inaprubahan na sangguniang bayan resolution number 1521, simula noong araw ng Lunes, Oktobre 27, 2025 ay sinimulan na ang pagrenew ng kanilang dokumento kahit na hindi sila nakapasok sa kooperatiba na isa sa mga naging requirements sa Public Transportation Modernization Program (PTMP) na dating Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan upang isamoderno ang traditional na jeepney na lumalagare sa mga pangunahing kalsada sa buong bansa.
Dagdag pa ni Catedral, sa buong Pilipinas ay ang Bacolod pa lamang umano ang nakagawa ng ganitong hakbang dahil sa suspindido ang Local Public Transport Route Plan (LPTRP) kung kaya’t malaki ang kanilang pasasalamat sa LGU dahil sa legal, walang takot at pag-alinlangan ang kanilang pamamasada sa araw-araw.
Kahit isang taon lamang aniya ang binigay sa kanila ay malaki pa rin ang maitutulong nito sa kanilang kabuhayan lalo na sa nalalapit na selebrasyon ng Pasko at Bagong Taon.
















