Binago ni Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte ang kanyang hiling na travel authority mula sa orihinal na 17 bansang bibisitahin tungo na lamang sa Netherlands at Australia, ayon sa House of Representatives.
Ayon kay Office of the Secretary General Executive Director Jose Marmoi Salonga, unang humiling si Duterte ng travel clearance mula Disyembre 15, 2025 hanggang Pebrero 20, 2026, ngunit hiniling ng Kamara ang karagdagang detalye at rebisyon dahil tatama ito sa mga session days ng 20th Congress na magbubukas sa Enero 26, 2026.
Sa isinumiteng revise request ng Kongresista, sinabi ni Salonga na ang biyahe ni Duterte ay mula Enero 3 hanggang Enero 30, 2026 lamang, para bisitahin ang kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte na nakakulong sa The Hague, at ang kanyang anak na nag-aaral sa Australia.
Dagdag pa nito, personal na pondo umano ang gagamitin sa biyahe. Sa kasalukuyan, sinusuri pa ng Kamara ang binagong travel request alinsunod sa mga patakaran at iskedyul ng sesyon.









