-- Advertisements --

Naniniwala ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na walang panganib sa kaligtasan ng government contractor na si Sarah Discaya sa gitna ng nagpapatuloy na imbestigasyon kaugnay sa maanomaliyang flood control projects.

Nauna na kasing nagpahayag ng pagkabahala para sa kaniyang kaligtasan si Sarah Discaya sa isang panayam sa kaniya kung kayat nagpasya siyang magpasailalim sa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI) at itinangging sumuko siya.

Ipinaliwanag din ng kaniyang abogado na isang strategic legal move ang naging hakbang ng kaniyang kliyente at hindi pag-amin ng anumang kasalanan.

Ayon kay Secretary Remulla, nakausap niya si Department of Justice Acting Secretary Frederrick Vida may kaugnayan sa kaso ni Discaya at hindi umano sila naniniwalang mayroong panganib para kay Discaya.

Subalit, napakalaking bagay aniya ang pagsuko ni Discaya at maaaring ikonsidera ng korte ang kaniyang kaso subalit ang batas aniya ang masusunod.

Sa kasalukuyan, nahaharap si Discaya kasama ang 9 na iba pa sa mga kasong malversation of public funds at umano’y paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act may kaugnayan sa P96.5-million ghost flood control project sa Barangay Culaman sa bayan ng Jose Abad Santos sa Davao Occidental.