Sinita ng Commission on Audit (COA) ang mababang utilization sa pondo para sa Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients Program (MAIFIP) ng Department of Health (DOH) noong 2024.
Kabilang sa dahilan ay ang mabagal o pagkaantala sa paglalabas ng pondo, unliquidated transfers, at hindi pare-parehong aplikasyon ng programa.
Tinukoy ng auditors ang P3.013 bilyong hindi nagamit, partikular sa mga Center for Health Development sa Western Visayas, Central Visayas, Mimaropa, at Eastern Visayas, bunsod ng late fund transfers, kulang na dokumento, at kakulangan sa staff.
Ang MAIFIP ay nagbibigay ng pinansiyal na tulong sa pasyenteng hindi makabayad, kabilang ang gamot, konsultasyon, tests, piling surgeries, at post-hospitalization care.
Sa kabila naman ng isyu, inaprubahan ng bicameral conference committee ang P51-bilyong badyet para sa naturang programa, mas mataas sa P29 bilyon ng Senado, ngunit may pag-aalinlangan ang ilang mambabatas dahil sa posibleng pork-like nature nito at political influence.
Kaugnay nito, pinayuhan ng COA ang DOH at mga pasilidad na pabilisin ang paglalabas ng pondo, dagdagan ang staffing, ipatupad ang liquidation, at sumunod sa MAIFIP guidelines.















