Umapela ang grupong Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) sa Bicameral Conference Committee na ilabas na ang kumpletong listahan ng kontrobersyal na ‘allocables’.
Tinukoy ng grupo ang allocables bilang makabagong uri ng pork barrel o iligal na inilalaang pondo tulad ng pork barrel fund na dati nang idineklara ng Supreme Court bilang iligal.
Batay sa pahayag na inilabas ng grupo, umapela sa Bicam na isapubliko ang lahat ng mga naisingit at naipalit na pondo mula sa orihinal na nilalaman ng panukalang pondo para sa 2026.
Dapat din ay naka-itemized ang listahan ng mga nakalaang pondo para sa bawat district congressman, party-list representative, at bawat Senador.
Hinimok din ng gropo ang dalawnag kapulungan na i-disclose ang lahat ng timeline at mekanismong ginamit sa pagtasa at pag-laan ng budget upang mas maintindihan ng publiko.
Sa ganitong paraan ay mabibigyan ng pagkakataon ang publiko na ma-access ang laman ng panukalang pondo, malaman kung paano ito inilaan, at magkaroon sila ng pagkakataon na makapagbigay ng sariling feedback ukol sa pondo.
Babala ng grupo, kung madaliin ang pagpasa sa pambansang pondo sa 2026 ay tiyak lamang na magpapalakas sa pagsususpetsa ng publiko na ang pambansang pondo ay hinulma lamang para mabenepisyuhan ang iilan.
Apela ng grupo, dapat ay mayroong mailabas na hard at digital copies ng 2026 budget, salig na rin sa pangako ng dalawang kapulungan ng Kongreso na gawing bukas ang budget deliberations.














