Itinanggi ng Philippine Navy nitong Huwebes na nasa kanilang kustodiya si retired Marine Sgt. Orly Regala Guteza, ang dating sundalong naging witness sa Senate Blue Ribbon Committee investigation kaugnay ng umano’y maanumalyang flood control project ng pamahalaan.
Ayon kay Navy spokesperson Capt. Marissa Martinez, matagal nang retirado si Guteza mula sa Philippine Marine Corps mula pa noong Hunyo 30, 2020, dahil dito wala na aniya itong koneksyon sa Philippine Navy.
‘Any engagements or interactions he may have at present are undertaken in his personal capacity,’ ani pa Martinez.
Ginawa ng opisyal ang pahayag matapos sabihin ni dating Quezon City Rep. Mike Defensor na si Guteza ay umano’y nasa ilalim ng proteksyon ng Philippine Marines.
Matatandaan na si Guteza ay naging laman ng mga balita matapos niyang isiwalat sa pagdinig sa Senado na nagdala umano siya ng male-maletang bag pera sa mismong bahay ni dating House Speaker Martin Romualdez at kalaunan ay tumanggi na bigyan ng proteksyon ng Senado, at iginiit na kaya niyang protektahan ang kanyang sarili.
Gayunman, lumitaw ang mga pagdududa sa kanyang kredibilidad nang itinanggi ng isang abogado na pinirmahan nito ang affidavit na binasa ni Guteza sa Senado dahil dito ay hindi na umano makontak ang dating sundalo.
Kaugnay pa nito sinabi pa ni Capt. Martinez na nananatiling propesyonal at non-partisan ang Philippine Navy, na nakatuon aniya sa pagtupad sa tungkulin at paglilingkod sa bansa nang may dangal at integridad.












