-- Advertisements --

Saklaw na ng tanggapan ng Executive Judge ng Manila Regional Trial Court (RTC), ang isyu ng posibleng paglabag sa notarized document ng isang Senate witness na humarap sa pagdinig nitong September 25 ukol sa maanomalyang flood control projects. 

Ito ang iginiit ni Senate President Pro Tempore at Blue Ribbon Committee Chairman Senador Ping Lacson. 

Magugunitang lumantad sa imbestigasyon ng Senado si Orly Regala Guteza na nagsabing dati siyang Marine at security consultant ni Rep. Elizaldy Co.

Ikinuwento ni Guteza na nagdala umano siya ng mga maleta ng pera—na tinawag na “basura”—sa mga bahay nina Co at dating Speaker Martin Romualdez. Mariing itinanggi naman ni Romualdez ang paratang.

Nagdulot ng kontrobersya ang affidavit matapos na itanggi ng abogadong si Petchie Rose Espera, na ang pangalan at notarial details na lumabas sa dokumento, na siya ang nag-notaryo o kahit na nakibahagi sa paghahanda nito. Iginiit ni Espera na peke ang kanyang pirma at notarial details. 

Giit ni Lacson, kung ang komite ay kikilos patungkol sa mga isyu kaugnay ng notarization, gaya ng pag-subpoena ng notarial register ng abogadong ang pirma ay lumitaw sa affidavit ni Guteza — malilihis ang takbo ng pagdinig. 

“So ipapaubaya sa executive judge ng Manila RTC, siya na magsagawa kasi sa poder na niya yan,” ani Lacson.

Nang tanuning kung kailangan pa ba ng Blue Ribbon Committee na imbitahin si Atty. Espera, tugon ni Lacson ay hindi ito kailangan sa ngayon.

“May office ng Executive Judge ng Manila RTC. Sila na ang magimbestiga at hihingi kami ng kopya ng kung anong resulta, kung totoong humarap si Guteza, o siya ay nagsisinungaling,” aniya.

“Ang issue dito kung nagsinungaling ka… at mapatunayan later on (na) nagsinungaling ka sa aspeto ng isa, pwedeng paghinalaang nagsinungaling ka sa lahat,” dagdag niya.