Iginiit ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson ang pangangailangang maglatag ng malinaw na safeguards upang maiwasan ang abuso at political patronage sa panukalang P6.793-trillion sa national budget, partikular sa tatlong kontrobersyal na bahagi nito.
Ayon kay Lacson, kailangang matiyak na walang political interference sa pagpapatupad ng Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP), sa mga proyektong farm-to-market roads, at sa kahilingan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na ibalik ang mga ibinawas sa kanilang panukalang pondo.
Sinabi ng senador na may naihandang special provision kaugnay ng mga isyung ito at kasalukuyan pa itong sinusuri upang matiyak na sapat ang safeguards at hindi magagamit ng mga pulitiko ang pondo.
Babala ni Lacson, hindi siya pipirma sa ratipikasyon ng budget bill kung hindi niya makikitang malinaw at epektibo ang mga safeguards. Aniya, handa siyang makiisa sa minority bloc sakaling tumanggi itong pumirma dahil sa mga naturang isyu.
Dagdag niya. bagama’t may kanya-kanyang adbokasiya ang mga mambabatas—tulad ng kalusugan at edukasyon—ang pangunahing adbokasiya niya ay ang pag-aayos at paglilinis ng badyet.
Nauna nang sinabi ni Lacson na hindi niya susuportahan ang ratipikasyon ng budget kung hindi itatama ang mga probisyong nagbibigay ng malalaking alokasyon sa MAIFIP at sa mga farm-to-market roads na maaari umanong pagmulan ng anomalya.
Tinukoy niya ang MAIFIP, na may kaugnayan sa pag-isyu ng guarantee letters ng mga pulitiko at mambabatas, bilang isa sa mga salik kung bakit hindi ganap na naipatutupad ang Universal Health Care (UHC) program sa lahat ng barangay.
Giit niya, dapat ay objective, walang kinikilingang pulitikal, at “bulag” sa kulay ng pulitika ang pagpapatupad ng mga programang pangkalusugan, at dapat limitado lamang sa pagbalangkas ng badyet ang papel ng mga mambabatas.
Tungkol naman sa kahilingan ng DPWH na maibalik ang ibinawas sa kanilang badyet, iginiit ni Lacson na kailangang ipaliwanag ng ahensya kung nagkamali ito sa kanilang mga computation, dahil ang pagbabawas ng Senado ay ibinatay lamang sa mga naunang pahayag ng DPWH.
Kinuwestiyon din ng senador ang pag-imbita kay DPWH Secretary Vince Dizon sa bicameral conference committee meeting noong Linggo, na aniya’y walang precedent at nagmistulang committee hearing ang naturang pulong.
Sa huli, binigyang-diin ni Lacson na kailangang makahanap ng gitnang solusyon ang Senado at Kamara upang maiwasan ang reenacted budget.















