-- Advertisements --

Babaliktad umano ang ilang testigo kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee ukol sa umano’y korapsyon sa flood control projects.

Ito ang ibinunyag ni Senadora Imee Marcos, kung saan aniya posibleng magbago ang ilalabas na salaysay ni dating Philippine Marines Technical Sergeant Orly Regala Guteza sa oras na dumalo ito sa Biyernes, sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng komite.

Si Guteza ang “surprise witness” ni Senador Rodante Marcoleta na nagsabing dati siyang Marine at security consultant ni dating Congressman Elizaldy Co.

Ikinuwento ni Guteza na nagdala umano siya ng mga maleta ng pera—na tinawag na “basura”—sa mga bahay nina Co at dating Speaker Martin Romualdez. Mariin namang itinanggi ni Romualdez ang paratang.

Ayon sa senadora, ilan umano sa mga testigo ay tinatakot at pinipressure upang bawiin ang kanilang mga naunang testimonya.

Bagaman hindi direktang pinangalanan, tinukoy ni Marcos si Guteza bilang isa sa mga testigong may “pinakamabigat na testimonya” sa isyu. Giit ng senadora, ito umano ang dahilan kaya’t “todo-todo” raw ang pananakot sa kanya.

Pagsisiwalat pa ni Marcos, may iba pang testigo na pinipigilan na magsalita at ayaw umanong imbitahan sa pagdinig.

Tumanggi naman ang senadora na tukuyin kung sino umano ang nasa likod ng pananakot, ngunit iginiit niyang lalabas din sa bandang huli ang katotohanan.

Samantala, may impormasyon daw si Marcos na ang kanyang pinsan na si dating House Speaker Martin Romualdez ang inaasahang star witness sa pagdinig, ngunit hindi tiyak ng senadora kung dadalo ang kongresista sa imbestigasyon.