Iginiit ni dating Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor na pinilit umanong bawiin ni Orly Guteza ang kanyang naunang testimonya na nag-uugnay kay dating House Speaker Martin Romualdez sa umano’y anomalya sa mga proyektong flood control.
Ayon kay Defensor, napapirma si Guteza ng bagong affidavit na kumokontra sa nauna niyang pahayag. May kumalat pa umanong video kung saan itinatanggi ni Guteza ang unang testimonya at sinasabing inalok siya ng pera nina Defensor at Sen. Rodante Marcoleta, bagay na itinanggi ng kampo ni Defensor.
Matatandaang sinabi ni Guteza noong Setyembre na naghatid siya ng maletang pera kina Zaldy Co at Romualdez. Pero matapos kumpirmahin ni Co ang ilang bahagi nito, bigla na raw nawala si Guteza.
Iginiit ni Defensor na may nagsabi sa kanya na nasa kustodiya umano si Guteza ng isang intelligence group ng Marines, pero itinanggi ito ng Philippine Navy. Aniya, may “makikinabang” sa pag-atras ng testimonya, kahit hindi niya direktang inaakusahan ang mga sundalo.
Dagdag pa niya, pamilya mismo ni Guteza ang nagbigay sa kanya ng impormasyon tungkol sa recantation, at sila ngayon ay “itinago” na ng kanyang kampo para umano sa kanilang kaligtasan. (report by Bombo Jai)















