Nakapagtala ang Philippine Coast Guard (PCG) ng mahigit 109,000 pasahero sa lahat ng mga pantalan sa buong bansa ngayong Biyernes, Oktubre 31, bisperas ng Undas.
Base sa datos ng PCG mula kaninang alas-6:00 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali, kabuuang 54,209 outbound passengers habang 55.037 inbound passengers ang dumagsa sa mga pantalan para bumiyahe pauwing mga probinsiya ngayong araw.
Para matiyak naman ang ligtas at episyenteng biyahe ng mga pasahero, nagdeploy ang ahensiya ng mahigit 5,000 frontline personnel sa 16 na PCG Districts. Ininspeksiyon ng mga ito ang mahigit 700 barko at mahigit 700 ding motorbancas.
Inilagay na rin ng PCG ang lahat ng district, stations at sub-stations nito sa heightened alert simula pa kahapon at magtatagal hanggang sa araw ng Martes, Nobiyembre 4 para sa inaasahang pagdami ng mga pasaherong bibiyahe pauwi at pabalik mula sa probinsiya para sa long weekend holiday.
 
		 
			 
        















