-- Advertisements --

Binatikos ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio si Vice President Sara Duterte matapos nitong sabihing nananatili sa “paper and pencil” level ang sistemang pang-edukasyon ng bansa.

Ayon kay Tinio, walang karapatan si Duterte na magreklamo dahil siya mismo ang “pinaka-malalang DepEd secretary,” at nabigo umanong tuparin ang mga pangunahing tungkulin habang pinamunuan ang kagawaran mula Hunyo 2022 hanggang Hulyo 2024.

Walang karapatan aniyang magreklamo ang taong hindi nagtrabaho.

Bilang patunay, binanggit ni Tinio ang ulat ng Congressional Policy and Budget Research Department (CPBRD) na nagpapakita ng mababang paggamit ng pondo ng DepEd sa ilalim ng pamumuno ni Duterte. Noong 2023 at 2024, nasa 11% hanggang 17% lang umano ang disbursement rates para sa textbooks at learning materials.

Dagdag pa niya, ayon sa Commission on Audit (COA), 192 lamang sa target na 6,379 bagong silid-aralan ang natapos noong 2023. Giit ni Tinio, Mas inatupag pa ng Bise Presidente ang confidential funds sa DepEd sa halip ng learning crisis.

Iginiit nito na ang mga datos mula UNICEF na binanggit mismo ni Duterte ay patunay ng umano’y kabiguan nito sa DepEd. (report by Bombo Jai)