LAOAG CITY – Itinuturing ng Sarrat National High School na isang malaking karangalan na ang isa sa kanilang mga dating estudyante na si Ma. Cassandra Reich Duque ng Brgy. Lataag sa Laoag City ay pinalad na nabigyan ng full scholarship sa China University, Chen Zhen Campus.
Ayon kay Ms. Marietta Yap, Principal ng paaralan, si Duque ay naging Top 1 sa Science High School Entrance Examination.
Sinabi ni Yap na sa pamamagitan ng kanyang inisyatiba, si Duque at iba pang mga estudyante ay sumabak sa Math Olympiad na dati ay online lamang hanggang sa mag-Onsite.
Dahil dito, itinuturing ni Duque si Yap at ang kanyang mga coach na may malaking papel at naging instrumento sa pagkamit ng maraming parangal at ang kanyang scholarship sa Chen Zhen, China.
Aniya, mula noong bata pa siya ay marami na siyang sinasalihang aktibidad lalo na sa Mathematics.
Ipinaliwanag niya na noong una ay nakaramdam siya ng kakaibang saya sa pag-aaral ng Math hanggang sa naging passion niya ito at nabigyan sila ng pagkakataong lumaban sa Thailand, Hongkong, at Macau.
Samantala, nagpasalamat si Duque sa mga taong tumulong at patuloy na tumutulong sa kanya.