Aminado ngayon ang Department of Educations (DepEd) na mayroong kakulangan ng mga guidance counselors kasunod ng mga karahasan sa loob ng mga paaralang kinasasangkutan ng mga estudyante.
Pero sinabi naman ni DepEd spokesperson Michael Poa na kanila nang tinutugunan ang naturang problema.
Aniya, mayroon daw problema sa kakulangan ng guidance counselors para sa mga psychosocial needs ng mga estudyante dahil na ri sa mababang sahod ang at kakulangan ng career progression.
Isa na rito ang mababang salary grade ng mga guidance counselors sa mga paaralan.
Ang pahayag ni Poa ay kasunod na rin ng pagkamatay ng 12-anyos na estudyante na aksidenteng nabaril ang sarili matapos dalhin ang service firearm ng kanyang ama sa Benito Nieto Elementary School sa San Jose Del Monte City, Bulacan.
Noong nakaraang linggo, mayroon ding 13-anyos na estudyante ang namatay matapos saksakin ng kapya menor de edad na estudyante sa loob ng Culiat High School sa Quezon City.
Dagdag ni Poa na ang mga violent incidents na kinasasangkutan ng mga kabataang estudyante ay posibleng may kaugnayan sa mental health issues.
Mas malalim daw ang problema sa mental health kaysa sa security sa mga paaralan.
Kaya naman mahalaga raw ang presensiya ng mga guidance counselors sa kada paaralan para matugunan ang mental health needs ng mga estudyante.
Una rito, sinabi ng DepEd na makikipagtulungan ang mga ito sa mental health experts at advocates para bumalangkas at magpatupad ng programa para matugunan ang karahasan sa mga paaralan na kinasasangkutan ng mga estudyante.
Isa raw itong oportunidad lalo na ngayong nirereview raw ng Department of Education ang K to 12 curriculum para sa mga subject na hindi lang makatutulong sa academics kundi pati sa mental health at internet use.
Sa isyu naman ng seguridad sa mga paaralan sinabi ni Poa na inatasan na ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang lahat ng regional at schools division offices na makipag-ugnayan sa Philippine National Police (PNP) para matukoy kung saang paaralan ang kinakailangang magpatupad ng spot inspections ng mga armas mula sa mga learners at staff members.