-- Advertisements --

Hindi na kailangang magpakita ng purchase booklet ang mga senior citizen para makakuha ng 20% diskwento sa gamot at medical devices sa mga botika at tindahang lisensyado ng Food and Drug Administration (FDA).

Ito ay ayon sa FDA Circular No. 2025-005 na inilabas ngayong Huwebes, alinsunod sa DOH Administrative Order No. 2024-0017 na layuning pagaanin ang mga requirements at alisin ang labis na pasanin sa mga senior citizen.

Sakop pa ng panuntunan ang lahat ng establisimyento na may FDA license na nagbebenta ng medisina at medical devices—kabilang ang mga botika, pharmacy, tindahan ng over-the-counter na gamot, at optical shops.

Para makuha ang diskwento, sapat nang magpakita ng ID na nagpapatunay na Filipino at edad 60 pataas gaya ng: Senior Citizen ID mula sa Office of Senior Citizens Affairs (OSCA); Pasaporte, o iba pang government-issued ID na may petsa ng kapanganakan (driver’s license, voter’s ID, SSS/GSIS ID, PRC ID, postal ID).

Ang mga lalabag sa patakaran ay mahaharap sa parusang ayon sa Republic Act No. 9994 (Expanded Senior Citizens Act of 2010), na may katumbas na dalawa hanggang anim na taong pagkakakulong at multang P50,000 hanggang P200,000.