-- Advertisements --

Kinumpirma ng Food and Drug Administration (FDA) na wala pa silang natatanggap na ulat ng pagkakasakit o masamang epekto kaugnay ng mga infant formula products na kamakailan ay boluntaryong ni-recall ng Nestlé Philippines.

Paliwanag ng FDA, ang pag-recall sa ilang batches ng dalawang infant formula products ng kompaniya na Nan Optipro at Nankid Optipro ay bilang precautionary measure kasunod ng lumabas na isyu may kinalaman sa isang raw material mula sa supplier ng manufacturer.

Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon ng FDA upang matukoy ang lawak ng isyu, kahit na wala pang itinatakdang food safety limits sa natukoy na raw material.

Nilinaw ng FDA na limitadong bilang lamang ng mga batch sa Pilipinas ang apektado.

Subalit, pinapayuhan ang mga konsyumer na itigil agad ang paggamit ng mga produkto at sundin ang recall instructions ng kompaniya. Maaaring i-check kung apektado ang produkto sa website na parenteam.com.ph.

Dagdag ng FDA, magpapatuloy ang inspeksyon at monitoring upang matiyak ang kaligtasan at kalidad ng mga produktong ibinebenta, lalo na para sa mga sanggol at maliliit na bata.