-- Advertisements --

Inaprubahan na ng Food and Drug Administration (FDA) ang isang bagong bakuna laban sa avian influenza o bird flu.

Ang naturang bakuna ay may kapasidad na protektahan ang poultry industry ng bansa laban sa labis na nakakahawang avian influenza subtype H5N1, at velogenic Newcastle disease.

Ito ay may pangalang Volvac B.E.S.T. AI plus ND.

Ayon kay Department of Agriculture (DA) Sec. Francisco Laurel Jr., ang bagong bakuna ay inaasahang magiging malakas na depensa ng poultry industry laban sa virus na matagal na panahong banta sa food security at kalusugan ng mga konsyumer.

Ang H5N1 ay ang pinaka-aggresibong subtype ng bird flu.

Ito ang nagdudulot ng mataas na mortality sa poultry industry, lalo na sa mga manok. Maaari din itong mailipat sa mga tao.

Ang Newcastle disease naman ay labis na nakakahawa sa loob lamang ng maikling panahon ng exposure.