Nilinaw ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang nauna niyang mungkahi ukol sa pagkain ng manok bilang alternatibo sa galunggong.
Ito ay kasabay ng napakataas na presyo ng naturang isda na dating tinagurian bilang poor man’s fish.
Paglilinaw ng kalihim, bumaba sa ngayon ang farm-gate price ng manok, kaya makatutulong sa poultry industry kung mas tatangkilikin ito ng mga mamimili, lalo na at kaliwa’t-kanan ang holiday gathering.
Ito aniya ang unang pumasok sa kaniyang isip noong nabanggit niyang gawing alternatibo ang karne ng manok sa isdang galunggong, kasabay rin ng kaniyang pagnanais na tumaas ang demand sa poultry products.
Bago aniya ang kaniyang kontrobersyal na pahayag ay aabot lamang sa P99 hanggang P101 ang farmgate price ng manok ngunit nakitaan na ng bahagyang pagtaas matapos ang kaniyang pahayag.
Samantala, marami rin aniya ang mga isda na mas mura kumpara sa galunggong na maaaring gamitini bilang alternatibo. Kabilang dito ang tilapia, tamban at bangus na pawang may matataas na supply sa kasalukuyan.
Sa kasalukuyan, umaabot mula P240 hanggang P360 ang kada kilong presyo ng galunggong, na mas mataas kumpara sa P190 hanggang P220 na kada kilong presyo ng karne ng manok.
















