Nakatakdang ilunsad ng Department of Agriculture (DA) ang isang online platform para mabantayan ang mga proyektong farm-to-market roads (FMR), kasunod ng nabunyag na iregularidad sa ilang proyekto.
Tatawagin itong FMR Watch website kung saan maaaring mag-upload ang sinuman ng mga larawan at progreso ng mga proyekto sa kanilang lugar, kasama na ang mga napapansing iregularidad sa construction sites.
Umaasa ang DA na sa pamamagitan nito ay mas mahigpit na mababantayan ang FMR projects at masigurong updated ang construction. Maiiwasan din ang korapsyon sa pondo, tulad ng nangyari sa maaming flood control project sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Hinikayat naman ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang mga magsasaka, lokal na pamahalaan, at mga ordinaryong mamamayan na makipagtulungan sa pagbabantay sa mga itinatayong FMR.
Aniya, ang publiko ang mas nakaka-alam sa aktwal na sitwasyon, at sila rin ang mas makikinabang sa maayos na nagawang proyekto.
Maliban dito, maglulunsad din ang DA ng isa pang portal kung saan maaaring mabantayan ng publiko ang eksaktong lokasyon ng agricultural road projects.
Sa ganitong paraan ay maaaring bisitahin ng sinuman ang mga itinatayong proyekto.
















