-- Advertisements --

Plano ng Department of Agriculture na ilunsad makabuluhang hakbang tungo sa mas mataas na antas ng transparency at accountability sa pamamagitan ng paglulunsad ng Transparency Portal na tatawaging FMR Watch.

Ayon sa DA, ang FMR Watch ay isang platform na magsisilbing sentrong impormasyon para sa lahat ng Farm-to-Market Road (FMR) projects na isinasagawa sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Bilang paghahanda sa pormal na paglulunsad, ipinasilip na ng DA-Bureau of Agricultural and Fisheries Engineering (BAFE) ang beta version ng FMR Watch sa mga stakeholders at sa publiko.

Layunin ng hakbang na ito na makakuha ng feedback at masiguro ang kahandaan ng portal bago ito ganap na gamitin.
Sa pamamagitan ng FMR Watch, magiging madali para sa publiko na makita at masuri ang mahahalagang detalye ng bawat FMR project.

Kabilang sa mga detalyeng ito ang eksaktong lokasyon ng proyekto, pangalan ng kontratistang responsable sa paggawa, kabuuang halaga ng proyekto, petsa kung kailan ito sinimulan, at ang kasalukuyang accomplishment rate.

Bukod pa rito, magkakaroon din ng QR code ang bawat proyekto na magbibigay-daan sa mga interesado na direktang ma-access ang kumpletong project profile at ang mga dokumento na may kaugnayan sa bidding process.

Target rin ng ahensya na tutukan ng DA ang higit sa 1,000 pending FMR projects na nagsimula pa noong 2021 at inaasahang matatapos sa 2025.