-- Advertisements --

Inimbestigahan na ng Department of Agriculture (DA) ang ilang indibidwal at mga grupo na umano’y nag-aalok ng mga pekeng rice import allocations kapalit ng pera.

Batay sa inisyal na monitoring ng DA, nag-aalok umano ng mga ito ng allocation documents sa ilang importer para sila’y makapag-angkat ng bigas ngayong buwan ng Disyembre, kahit malinaw hanggang katapusan pa ang rice-import moratorium.

Dahil dito, pinag-iingat ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., ang mga importer at pinayuhang huwag paniwalaan ang mga naturang grupo dahil ang kanilang alok ay malinaw na isang uri ng scam.

Sa ngayon, nagsasagawa na ng imbestigasyon ang DA, sa tulong ng law enforcement agencies.

Isa sa mga pangunahing natukoy na lokasyon ay sa probinsiya ng Cebu kung saan may mga kumalat umanong solicitation form sa ilang rice millers, importers, at traders sa Cebu na nagsasabing makakapag-import na muli sila ngayong Disyembre, at mayroon ding garantisadong allocation.

Umabot din sa kaalaman ng DA ang ilang dokumentong umiikot sa mga malalaking rice importer na mistulang humihiling ng pagkilala mula sa DA para sa listahan ng “participating miller-importers” na umano’y magiging bahagi ng food security program ng bansa para sa 2026.

Apela ni Sec. Laurel sa mga trader, makipag-ugnayan agad sa DA kung may mga nag-aalok ng ganitong uri ng scam.