-- Advertisements --

Nilinaw ni Bureau of Customs (BOC) Asst. Commissioner Jet Maronilla na hindi pinag-iinitan ang pamilya Discaya, kasunod ng pagsisilbi ng komisyon ng search warrant laban sa mga luxury cars ng pamilya.

Ayon kay Maronilla, trabaho ng BOC na imbestigahan at alamin kung paano nakapasok sa Pilipinas ang mga naturang sasakyan, kasunod ng pagkakalantad ng mga ito sa kaalaman ng publiko.

Tungkulin din ng komisyon aniya na tukuyin kung paano naipasakamay sa pamilya Discaya ang mga mamahaling sasakyan, hanggang sa tuluyang maipon ang mga ito sa pag-iingat ng naturang pamilya.

Paliwanag ni Maronilla, ang pagsisilbi ng warrant ay bilang paggampan lamang sa tungkulin ng BOC.

Layunin ng warrant na pigilan ang pamilya Discaya na agarang ibenta o i-dispose, o itago ang mga naturang sasakyan, matapos malantad sa public scrutiny ang mga ito.

Unang nabunyag ang hanggang 40 luxury cars na pag-aari ng naturang pamilya, na pawang nasa maluwag na garahe ng compound nito.

Gayonpaman, sa pagdalo ng Discaya matriarch na si Sara sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, ang tanging inamin niya ay 28 lamang ang pag-aari ng pamilya, habang ang iba pa ay ginagamit na ng company officials.

Ayon kay Maronilla, tanging 12 luxury cars pa lamang ang nakikitaan ng kaduda-dudang record kaya’t limitadong bilang lamang ang nakapaloob sa search warrant na hiniling sa korte.

Gayunpaman, hindi isinasantabi ng komisyon ang posibilidad na applyan din ng Search warrant ang iba pang sasakyan, habang gumugulong ang imbestigasyon.