Tatalunin umano ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa ang record ni Senador Ping Lacson pagdating sa pagtatago sa mga awtoridad.
Ito raw ang biro ni dela Rosa kay Lacson nang minsang nagkausap ang dalawa — dalawang linggo na ang nakalilipas buhat ng umarangkada ang budget deliberations ng Senado.
Ayon kay Lacson, sa kanilang group chat ng lahat ng mga senador, kinumusta raw niya si Senador Bato.
Pabiro ring payo ni Lacson kay dela Rosa ay magtago siya nang mabuti sa mga awtoridad.
“It was in jest ano. Because, doon sa chat group namin—mayroon kami e lahat ng all-senators. So, I found time, kumustahin lang siya. Sabi ko, “kumusta ka na? mag-ingat ka lang” gano’n. Ang biro niya lang sa akin, “Sir, i-break ko ‘yung record mo sa pagtatago.” Tapos may “haha,” saad ni Lacson sa panayam sa plenaryo ng Senado.
Samantala, may dagdag pang payo si Lacson kay dela Rosa, bilang parehong nagsilbing hepe ng Philippine National Police (PNP).
“Well, ako, ang advice ko sa kanya, kung wala siyang intensyon na mag-surrender, magtago siyang mabuti. Advice ko sa law enforcement, hanapin niyo siyang mabuti,” dagdag ng senador.
Mag-iisang buwan nang hindi pumapasok si dela Rosa sa Senado — kahit na may dapat siyang depensahan na panukalang pondo ng mga ahensya ng gobyerno.
Gayunpaman, tuluy-tuluy ang sahod ng senador, dahil ayon kay Senate President Vicente Sotto III, walang umiiral na patakaran sa Kongreso na “no work, no pay” sa mga mambabatas.
Kaya naman payo ng senate president sa mga nagnanais na panagutin ang isa mambabatas, ay maghain ng reklamo sa ethics complaint.
“Hindi. walang ganung rules sa legislators e. any of our rules or even in the constitution. Siguro kung mayroong mga kababayan tayo na gustong tanungin itong ganyan ano at saka let’s say, gustong panagutin ang isang legislators mag-file sila ng ethics complaint. ‘Yun yung pinaka magandang remedyo,” giit ni Sotto.
“It doesnt necessarily have for us to come out and amend our rules and say something like that. I doubt we can pass a rule like that even in the House at dito sa amin. Kasi it’s never been that way even in the other Congresses. Pinakamaganda mag-file na lang sila ng complaint,” dagdag ng pangulo ng Senado.
May tirada pa si Sotto pagdating sa usapin ng pagliban nang mahaba ng mambabatas.
“Sa Congress nga merong isang buong taon hindi pumapasok e. Wala naman silang ginagawa wala namang umaangal. Ito 2-3 weeks pa lang. Siyempre (may sweldo). Allotted na yun e” giit ni Sotto.
Gayunpaman, bagama’t mag-iisang buwan nang absent ang senador, tuluy-tuloy naman daw ang trabaho ng kanyang staff sa Senado.
Hindi rin aniya mababawasan ang pondo ng opisina ni dela Rosa.













