-- Advertisements --

Inihirit ni Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor sa mga ahensya ng pamahalaan na ibigay nang mas maaga ang mid-year bonus ng kanilang mga empleyado.

Malaking tulong aniya kung sa Biyernes, Mayo 14, na lamang ibigay ang incentives ng mahigit 1 million na kawani ng gobyerno sa gitna ng pandemya, lalo na sa mga healthcare workers at iba pang frontliners.

Base sa Republic Act No. 11466 na ipinasa ng Kongreso, ang mga taga-gobyerno mula sa Presidente hanggang sa janitor o clerk ay tatanggap ng mid-year bonus na katumbas ng isang buwang sahod.

Ang incentives na ito ay dapat na maibigay ng hindi mas maaga sa May 15 kada taon.

Pero dahil nataon sa araw ng Sabado ang May 15 ngayong taon, umapela si Defensor sa Department of Budget and Management na i-advance na ang release nito sa Biyernes.