Iimbestigahan ng House Committee on Justice, na pinamumunuan ni Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro, ang extradition request ng Estados Unidos kay Pastor Apollo Quiboloy upang maging malinaw umano ang mga isyu ng proseso.
Ang pagsasagawa ng motu proprio investigation ay bunsod ng hiling ni Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña, na nanawagan sa komite ni Luistro na magsagawa ng inquiry in aid of legislation kaugnay ng extradition request kay Quiboloy.
Ang pormal na mosyon upang ituloy ang imbestigasyon ay inihain ni Committee Vice Chairman, Bukidnon 2nd District Rep. Jonathan Keith Flores.
Inaprubahan ni Luistro ang mosyon matapos walang tumutol mula sa mga miyembro. Ngunit bago ito, nagsagawa muna ng masusing talakayan ang mga mambabatas hinggil sa pangangailangan ng imbestigasyon.
Aniya, ang dalawang mahalagang batas na dapat pag-usapan— ang 1994 extradition treaty sa pagitan ng US at Pilipinas at ang PD 1069 o ang Philippine Extradition Law na naisabatas noong 1977.
Ayon sa kanya, ang dalawang batas ay “silent” sa ilang mahahalagang detalye.
Ipinunto rin ni Flores na ang kasalukuyang mga batas ay hindi malinaw kung sino ang may awtoridad na pumili sa pagitan ng temporary surrender at deferred surrender ng extraditee isang bagay na inamin din ni Luistro.
Nilinaw rin ni Luistro na ang pagkakasangkot ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) church founder na si Quiboloy sa imbestigasyon ay insidental lamang.
Sinabi ni Luistro na pagsusumikapan ng kanyang komite na palakasin ang extradition framework ng bansa, tiyakin ang pagpapataw ng pananagutan, at patatagin ang pangako ng administrasyon sa pakikipagtulungan ng Pilipinas sa ibang bansa laban sa malulubhang krimen, habang iginagalang ang kalayaan ng mga hukuman.