-- Advertisements --

Pinaalalahanan ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang mga mamamahayag na ang pagtanggap ng bayad kapalit ng paborableng coverage ay banta sa kalayaan sa pamamahayag.

Sa isang statement, sinabi ng NUJP na winawasak ng ganitong gawain ang tiwala sa propesyon ng mamamahayag at pinalalabas na nabibili ang pamamahayag, na isang mahalagang tagapagsiwalat ng katiwalian sa gobyerno man o pribadong sektor.

Kaugnay nito, hinimok ng grupo ang media na muling balikan at panindigan ang ethical guidelines ng Journalists’ Code of Ethics at ng NUJP Ethical Guide.

Saad pa ng grupo na hindi maipagmamalaki ang pagiging mamamahayag kung walang paninindigan sa prinsipyo ng propesyon.

Bagamat kinikilala ng NUJP ang kalakaran kaugnay sa solicitation dahil sa kakulangan sa sahod, iginiit ng grupo na hindi ito sapat na dahilan para isantabi ang ethics ng pamamahayag.

Nanawagan din ang grupo sa media companies na bigyan ng makatarungang kompensasyon ang kanilang mga kawani.

Ginawa ng grupo ang pahayag kasunod ng kontrobersiya sa diumano’y pagbabayad sa ilang mamamahayag upang maglabas ng paborableng coverage sa Discaya companies, na dawit sa halos P100 bilyong flood control projects ng DPWH.

Una na kasing isiniwalat ni Pasig City Mayor Vico Sotto na tumanggap umano ng P10 milyon ang dalawang batikang mamamahayag na sina Korina Sanchez-Roxas at Julius Babao nang makapanayam ang mag-asawang Sarah at Curlee Discaya.

Subalit, mariing itinanggi ito nina Sanchez at Babao, na iginiit na isa lamang itong profile feature sa tagumpay ng mag-asawang Discaya.