-- Advertisements --

Pinuna ni Senador Ping Lacson ang National Bureau of Investigation (NBI) hinggil sa kawalan ng follow-up operations laban sa mga banyagang sangkot umano sa espionage activities, sa kabila ng mga serye ng mga pag-aresto mula 2024 hanggang ngayong taon. 

Sa pagdinig ng Committee on National Defense, iniulat ni NBI Acting Regional Director Ferdinand M. Lavin nasa anim hanggang pitong operasyon ang naisagawa ng ahensya, kabilang ang huling operasyon bago ang midterm elections kung saan naaktuhan ang isang Chinese national na gumagamit ng IMSI-catcher, isang teknolohiyang ginagamit para sumagap ng komunikasyon.

Sa mga operasyon na ito, 19 na indibidwal na umano’y sangkot sa espiya ang kanilang naaresto—kabilang dito ang 13 Chinese nationals, limang Pilipino, at isang Cambodian. 

Paglilinaw ni Lavin, ang limang Pilipinong nahuli dahil sa paglabag sa Commonwealth Act no. 616 ay pawang guide, driver o aide na ginamit na kasangkapan para sa illegal na surveillance.

Binigyang-diin ni Lacson na hindi dapat matapos lamang sa pag-aresto ang pagtugis sa mga sangkot sa espiya, sapagkat ito ay isang “hindi pangkaraniwang krimen” na nangangailangan ng tuloy-tuloy na operasyon. Hindi ito gaya ng karaniwang mga kaso kriminal na nagtatapos sa pagsasampa ng kaso at pagkakakulong ng mga akusado.

Samantala, ipinaliwanag ni Lavin na ang kanilang mga follow-up operations ay isinasagawa sa pamamagitan ng digital o electronic surveillance. 

Aniya, dalawa sa anim na operasyon ng NBI ay nagmula sa electronic data na nakuha mula sa mga naunang operasyon, at naibahagi na rin nila ang mga nakalap na impormasyon sa intelligence unit ng Armed Forces of the Philippines (AFP).