-- Advertisements --

Isiniwalat ng kasalukuyang alkalde ng Maynila na ang mga ‘flood control projects’ sa lungsod ay walang permit mula sa lokal na pamahalaan.

Ayon kay Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso, ang bilyun-bilyong halaga ng mga proyektong natapos at inilunsad ay bigong sundin ang panuntunan sa lungsod.

Kanya itong inihayag sa isinagawang pulong balitaan nang matuklasan na hindi umano nagbayad ng contractor’s tax, regulatory fees at makakuha ng kaukulang permit.

Kaya’t sineguro ng naturang alkalde na kanila itong iniimbestigahan kasabay ng pag-iimbestiga rin ng Pangulo hinggil sa isyu ng flood control projects sa bansa.

Kanyang ibinahagi na ang mga proyektong natuklasang walang permit ay mula pa noong 2022 hanggang sa taong kasalukuyan.

Simula sa unang distrito, pinondohan ito ng higit 3.4 billion Pesos, sa makalawa’y 2 bilyon Piso, pangatlong distrito na higit 4 billion Pesos, higit tig-iisang bilyon sa pang-apat at pang-limang distrito at dalawang bilyong Piso naman sa ika-anim na distrito.

Bagama’t pinondohan ng higit 14-bilyon Piso halaga ang mga proyekto, aniya’y hindi ito ‘epektibo’ sapagkat baha pa rin sa lungsod.

Samanatala pinakakasuhan naman ng alkalde ang isang ‘contractor’ dahil sa ilegal nitong demolisyon sa isang sports complex ng lungsod.

Aniya’y wala rin itong permit at bigong sundin at iproseso ang kaukulang proseso sa lokal ng pamahalaan ng Maynila.