Ipinahiwatig ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan na posibleng magsagawa ng cleansing o paglilinis sa organisasyon kung kailangan upang matanggal ang mga tiwaling opisyal at kawani sa gitna ng nagpapatuloy na pagbusisi sa umano’y maanomaliyang flood control projects.
Ayon sa kalihim, tinitignan na ang mga opisyal ng kagawaran at district engineers na sangkot sa inferior at ghost flood control projects kung saan posibleng sampahan ng mga kaukulang kaso at sanctions para maging leksiyon ito sa lahat, na hindi nila papayagang mangyari ang ganitong bagay.
Sa ngayon, ayon sa kalihim, napag-alaman sa nagpapatuloy na audit ng ahensiya sa flood control projects na ang umano’y ghost projects ay sa Bulacan partikular na sa may Engineering Distric 1 ng lalawigan.
Samantala, naninindigan ang kalihim na aantayin niya ang desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung kailangan niyang mag-leave muna habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Matatandaan, ilang mambabatas kabilang na si Sen. Sherwin Gatchalian ang nagsabing dapat nang magbitiw sa pwesto si Sec. Bonoan bilang delicadeza sa gitna ng bumabalot na kontrobersiya sa ahensiyang kaniyang pinamumunuan.