-- Advertisements --

Kinontra ni dating Senator at kasalukuyang Mamamayang Liberal Party list Rep. Leila de Lima ang naging pahayag ni dating Senator Antonio Trillanes IV na hindi isusuko ni dating Vice President Leni Robredo si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) sakaling nanalo siyang pangulo noong 2022 elections.

Sa isang statement, sinabi ng mambabatas na mahirap paniwalaan ang claim ni Trillanes base na rin sa public record ng dating Bise Presidente.

Inalala ni de Lima na noong nasa Bicol pa sila ni Robredo, ilang araw lamang matapos maaresto si dating Pangulong Duterte, sinabi umano ni Robredo sa harap ng media na ito ang unang hakbang tungo sa pananagutan at hustisiya.

Gayundin, noong pinaguusapan aniya ang due process sa pag-aresto sa dating Pangulo, hindi maiwasang balikan ni Robredo ng pag-aresto noon kay de Lima at ikinulong sa kabila ng mga gawa-gawang paratang laban sa kaniya.

Para umano kay Robredo, walang puwang ang double standard sa inaasam na hustisiya at dapat na pairalin sa lahat ang pananagutan.

Bilang kaibigan at kaalyado, kaya niyang patotohanan ang hindi natitinag na commitment ni Robredo para sa hustisiya at mga karapatang pantao.

Inihayag din ni de Lima na may respeto siya kay Trillanes na aniya’y itinuturing niyang kaibigan at co-warrior laban sa aniya’y kalabisan ni Duterte at mga kasamaan.

Subalit inamin din ni de Lima na masakit para sa kaniya na marinig ang ganitong mga pahayag na maaaring magdulot ng pagkakahiwalay ng dati at kasalukuyang magkakampi sa prinsipyo at adhikain.

Matatandaan, nauna ng sinabi ni Trillanes sa isang news podcast na pipiliin niya si Sen. Risa Hontiveros kaysa kina dating VP at kasalukuyang Naga City Mayor Leni Robredo at Sen. Bam Aquino bilang potensiyal na kandidato sa pagka-Pangulo sa 2028 elections.

Dito din, isiniwalat ni Trillanes na hindi umano ipapasakamay ni Robredo ang dating Pangulo sa ICC kung manalo siya noon sa 2022 elections.

Sa ngayon, wala pang inilalabas ang panig ng dating Bise Presidente kaugnay sa claim ni Trillanes.