Nanawagan ang Organisation for Economic Co‑operation and Development (OECD) sa gobyerno ng Pilipinas na bawasan ang mga fiscal incentives at unti-unting alisin ang VAT exemptions para sa senior citizens at private schools upang mabawasan ang utang at paliitin ang budget deficit.
Ayon sa OECD, kailangan ng Pilipinas na pabilisin ang fiscal consolidation sa pamamagitan ng mas maayos na pagkolekta ng buwis at mas epektibong paggasta upang mapangalagaan ang public debt ng bansa.
Pinayuhan ng grupo na unti-untiin nang tanggalin ang VAT exemptions sa mga pribadong healthcare, education, at senior citizens, kasabay ng targeted social transfers, at pag-phase out ng corporate tax holidays.
Bukod dito, iminungkahi rin ng OECD ang pagtatag ng tiered social protection system, kasama ang universal basic pension para sa lahat ng matatanda, at ang paglipat ng financing ng universal healthcare mula sa social security contributions patungo sa general taxes.
Kabilang din sa rekomendasyon ang reporma sa public administration at sa pension system ng military at uniformed personnel upang mapahusay ang efficiency ng paggasta.
Sa pagtataya ng OECD, aabot sa 5.1% ang paglago ng Gross Domestic Product (GDP) ng Pilipinas sa 2026 at 5.8% sa 2027, batay sa mababang inflation at mas maluwag na financial conditions. Gayunpaman, babala ng grupo, nakaharap ang bansa sa “significant headwinds” tulad ng bumabagal na populasyon at tumitinding panganib mula sa climate change.
Upang maabot ang ambisyon ng ”AmBisyon Natin 2040” na triple ang per capita income sa $11,000, kailangan tumaas aniya ang average annual productivity growth mula 4.5% sa 5.2% hanggang 2040. Mahalaga din daw na makuha ng bansa ang GDP growth average nito sa 6% mula 2025 hanggang 2040.










