-- Advertisements --

PAGPASA NG BICYCLE ACT AT TAX INCENTIVES SA MGA KUMPANYA, ISINUSULONG BILANG TUGON SA KRISIS SA LANGIS

Upang maibsan ang pasanin ng mga Pilipino sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo dulot ng gulo sa Middle East, isinusulong ngayon sa Kamara ang pagpasa ng Philippine Bicycle Act na magbibigay ng tax incentives sa mga negosyong susuporta sa alternatibong transportasyon.

Iginiit ni Quezon City 5th District Representative Patrick Michael Vargas ang agarang pag-apruba sa House Bill No. 7106.

Ayon sa mambabatas, ang panukala ay isang multi-layered na solusyon na sasagot sa lumalalang krisis sa transportasyon at matinding trapiko sa mga pangunahing lungsod.

Layon nitong bawasan ang pagdepende ng bansa sa mahal na inaangkat na langis sa pamamagitan ng paggamit ng bisikleta.

Binigyang-diin din ni Vargas na napapanahon ang pagpasa ng batas kasabay ng paggunita ng Month of the Planet Earth ngayong Abril.

Nakatuon ang panukala sa pagpapalaganap ng environment-friendly at health-promoting na paraan ng pagbiyahe.

Bilang hakbang, palalawakin at patatatagin ng batas ang mga bike lane networks na unang itinayo noong kasagsagan ng pandemya.

Hindi lamang pamahalaan ang inaasahang kikilos. Hinikayat din ng kongresista ang pribadong sektor na makiisa sa inisyatiba sa pamamagitan ng paglalagay ng mga bike-friendly na pasilidad sa kanilang mga tanggapan, tulad ng mga shower area at locker para sa mga empleyado.