Tiniyak ni Philippine National Police chief Gen. Archie Francisco Gamboa na handa na sila para sa pagpapatupad ng general community quarantine (GCQ) sa National Capital Region (NCR) simula ngayong araw.

Ayon sa PNP chief, may orders na ang kanilang mga tauhan partikular sa Metro Manila na i-extend ang “maximum assistance” sa mga mamamayan na balik-trabaho na rin.

Nilinaw ni Gamboa na sa kabila ng bahagyang pagluluwag sa ilalim ng GCQ, ipatutupad pa rin ang mga minimum health standards na itinakda ng Inter-Agency Task Force.

Kabilang dito ang mga checkpoint, curfew, travel restrictions, at mahigpit na pag-obserba sa physical distancing.

Samantala, iniurong sa June 4 ang pagbubukas ng mga frontline services ng PNP-Civil Security Group, kabilang ang Firearms and Explosives Office (FEO), Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (SOSIA), One-Stop-Shop Office (OSS), at Regional Civil Security Units (RCSUs).

Paliwanag ni Gamboa, dahil sa inaasahang pagbuhos ng mga tao sa Camp Crame bukas, kailangang makontrol ang pedestrian at vehicular traffic sa loob ng kampo bilang konsiderasyon sa kaligtasan ng PNP personnel.

Nagtakda naman ng rules ang Department of the Interior and Local Government para sa magiging galaw ng mga tao na nasa GCQ.

Ayon sa Joint Task Force COVID Shield (JTF CV Shield), layon ng itinakdang patakaran ay para matiyak na nai-implement ang mga basic protocols.

Binigyang-diin ng JTF COVID Shield na kailangan pa rin ng travel pass kapag bumiyahe sa ibang probinsiya.