-- Advertisements --

Kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Nicolas Torre III na kasalukuyang nasa ilalim ng kanilang protective custody ang whistleblower sa kaso ng mga nawawalang sabungero na si alyas “Totoy”.

Sa isang pulong balitaan na ginaganap ngayong umaga sa Kampo Krame, binigyang linaw ni Torre na matagal nang nagbibigay ng mga pahayag si Totoy sa kanilang tanggapan ilang buwan na ang nakalilipas bago pa pumutok ang mga bago niyang pahayag tungkol sa kinaroroonan ng mga labi ng mga sabungero at maging ang pangalan ng mga sangkot sa naturanag kaso.

Ani Torre, hindi muna nila ito inilabas upang matiyak na hindi mauunahan at mabubutasan ang kanilang mga ikinakasang imbestigasyon hinggil sa kaso at nang makakuha pa ng mga sapat na ebidensya na makatutulong upang mabilis na maresolba ang kaso ng mga sabungero.

Paliwanag pa ni Torre, hindi lalantad ang mga bagong impormasyon na ito at maging ang ilang mga ebidensya kung hindi sila nagsagawa ng tinawag niyang ‘under the radar’ na imbestigasyon na siya aniyang naging daan para makuha nila sa mga impormasyong kasalukuyan nilang hawak.

Sa kasalukuyan ang lahat ng impormasyon na kanilang nakalap ay naisumite na sa himpilan ng Department of Justice (DOJ) para naman sa mga preliminary investigation sa kaso at berepikasyon ng mga pahayag ni Totoy.

Hintayin na lamang aniya ang mga magigng pagusad sa kaso na dapat ay base na sa imbestigasyon ng DOJ.

Samantala, si Totoy naman ay kasalukuyang nasa kustodiya ng PNP at kasalukuyan nang nagaapply ng Witness Protection Program upang matiyak ang kaniyang seguridad at kaligtasan.

Kung maging kwalipikado para sa programa ay agad na ituturn over ng PNP ang kustodiya ni Totoy sa DOJ at tiniyak naman ng hepe na ang proseso nito ay magiging madali na lang at nakasalalay na kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang magiging kapalaran at proteksyon ni Totoy.

Kasunod naman nito ay kinumpirma rin ng hepe na hindi lamang sa Taal Lake ang naging disposal ng mga katawan ng mga biktima at kasalukuyan na silang nagsasagawa ng mga imbestigasyon sa iba pang mga lugar na hindi umano’y pinaglagakan ng iba pang mga sabungero.

Tumanggi naman ang hepe na banggitin ang mga lugar na maaaring naging disposal site ng mga bangkay ito aniya ay para matiyak na hindi mabuburilyaso ang kanilang mga ginagawnag efforts para makahanap pa ng mga sapat na ebidensyang susuporta sa kaso na ito.

Aniya, posible kasing may mga maapektuhang tao na maaaring maging sanhi para pigilan ang mga isinasagawang eksaminasyon ng kapulian para sa pagusad ng kaso ng mga nawawalang sabungero.

Sa kasalukuyan, tiniyak naman ng hepe sa publiko lalo na sa mga kamaganak ng mga biktima na nauna nang bumisita sa tanggapan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) nitong Biyernes na gagawin ng kapuisan ang kanilang makkaya upan makapagbigay ng hustisya sa kanilang kaso at mailantad ang mga personalidad na nasa likod ng pagkidnap at pagpatay sa mga sabungero apat na taon na ang nakalilipas.

Samantala, patuloy naman ang mga efforts ng PNP at pakikipagugnayan sa DOJ para sa agarang pagresolba ng kaso at nang mabigyan na ng hustisya ang pagkawala ng mga sabungero at maging ang mga pamilyang kanilang naiwan.