MANILA – Nalampasan na ng Davao City ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 na naitatala kada araw sa Quezon City.

Ito ang sinabi ng independent group na OCTA Research sa kanilang pinakabagong report.

Ayon kay Prof. Guido David, nakakapagtala ang Davao City ng seven-day average na 213 cases per day.

“Mataas kumpara sa 207 cases per day ng Quezon City, na siyang may pinakamaraming kaso ng COVID-19 kada araw noong mga nakalipas na buwan,” ani David sa isang panayam.

Hindi pa matukoy ng OCTA ang dahilan ng pagsipa sa COVID-19 cases ng Mindanao, pero posible raw na nakaapekto ang mga biyaherong positibo COVID-19 na nakalusot sa mga border control ng rehiyon.

Batay sa datos ng OCTA, 54% ang itinaas sa mga kaso ng COVID ng Davao City mula May 31 hanggang June 6.

Bukod sa Davao City, tinukoy din ng OCTA na areas of concern ang Cagayan de Oro City, General Santos City, Koronadal City, at Cotabato.

Pati na ang Bacolod City, Iloilo City, Dumaguete City, at Tuguegarao City. -CJY