-- Advertisements --

Nakahanda na ang Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ipamahagi ang fuel subsidy para sa mga driver at operator ng pampublikong sasakyan.

Ayon kay Transportation Secretary Vince Dizon, hindi requirement ang pagiging bahagi ng consolidated group upang makatanggap ng nasabing ayuda.

Aniya, layunin ng pamahalaan na gawing inklusibo ang programa dahil lahat sa sektor ng transportasyon ay apektado ng pagtaas ng presyo ng langis—kahit sila ay consolidated o hindi.

Kasalukuyan ng nakikipag-ugnayan ang DOTr at LTFRB sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno tulad ng Department of Energy (DOE), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Information and Communications Technology (DICT), at LandBank of the Philippines (LBP) upang mapabilis ang proseso ng pamamahagi ng tulong.

Ayon sa direktiba ng pamahalaan, kailangang agarang maipamahagi ang subsidiya at inaasahang maisasakatuparan ito sa lalong madaling panahon.