Nagpahayag na ng kahandaan ang Philippine Navy na tumulong sa paghahanap sa mga labi ng mga nawawalang sabungero na umano’y itinapon sa Taal Lake.
Ginawa ng PN ang pahayag sa kabila ng kawalan pa ng pormal na assistance request mula sa Department of Justice.
Ayon kay Navy spokesperson Capt. John Percie Alcos, ang kanilang hanay ay laging handa sa pagtulong sa mga ahensya ng gobyerno.
Aniya, sa sandaling magbigay na ng go signal ang DOJ, kaagad nilang idedeploy ang kanilang Naval Special Operations Command sa naturang lugar.
Ang Naval Special Operations Command ay binubuo ng mga highly trained technical divers na kilala sa pagsasagawa ng mga misyon sa ilalim ng katubigan kaya’t inaasahan na malaki ang magiging ambag nito.
Una nang nagpahayag ng interes na tumulong sa paghahanap ang Philippine Coast Guard sa pamamagitan ng pagpapadala ng kanilang mga technical divers sa naturang lawa.
Maaalalang mula pa noong taong 2021 napaulat na nawawala ang nasa 34 “sabungeros” at hanggang ngayon ay hindi pa sila mahanap ng kanilang mga pamilya.
Muling nabuhay ang usapin ng lumutang ang isang testigo kung saan sinabi nito na maaaring patay na ang mga nawawalang sabungero at ito ay itinapon sa Taal Lake.