Haharap sa kanyang unang paglilitis sa kasong insurrection o panunulsol sa pag-aaklas ang dating Pangulo ng South Korea na si Yoon Suk Yeol sa Lunes, Abril 14, kaugnay ng kanyang bigong pagtatangka na magdeklara ng martial law noong Disyembre 2024.
Nabatid na noong Disyembre 3, iniutos ni Yoon ang pagsuspinde ng mga aktibidad pampulitika at pagpapatupad ng media censorship, na tumagal lamang ng anim na oras bago ibinasura ng oposisyon sa National Assembly. Dahil dito, agad siyang na-impeach at noong Abril 4, tuluyang pinatalsik ng Constitutional Court sa puwesto si Yoon.
Naaresto din si Yoon noong Enero matapos tumangging sumuko sa mga awtoridad sa loob ng ilang linggo. Siya ang kauna-unahang pangulo ng South Korea na naaresto habang nasa puwesto. Pinalaya siya makalipas ang 52 araw, matapos kwestyunin ng korte ang legalidad ng kanyang pagkakakulong.
Sa kanyang pagbabalik sa pagiging pribadong mamamayan noong Abril 11, nagpaalam si Yoon sa publiko at nagpahayag na hahanap ng bagong landas para makapaglingkod muli sa gobyerno.
Kung mapatunayang nagkasala, maaaring humarap si Yoon sa habambuhay na pagkakakulong o parusang kamatayan.
Dahil sa kanyang pagkakatanggal sa puwesto, magsasagawa ng snap election sa Hunyo 3 taong kasalukuyan para sa bagong pangulo ng South Korea.
Sa ngayon, pinamumunuan ang bansa ni Acting President Han Duck-soo.