Posible muling maaresto si dating South Korean President Yoon Suk Yeol sa Miyerkules, Hulyo 9, matapos ang nakatakdang pagdinig sa Seoul Central District Court upang talakayin ang hiling ng mga special prosecutor na muli itong arestuhin para sa mga kasong abuse of power at obstruction of justice.
Ayon sa korte, ang hiling ay may kaugnayan sa diumano’y pagdeklara ni Yoon ng martial law noong Disyembre 2024, at sa pag-utos umano nito sa presidential guards na pigilan ang mga awtoridad na siya ay arestuhin noong Enero.
Si Yoon ay pansamantalang nakulong ng 52 araw ngunit pinalaya dahil sa teknikalidad sa proseso ng kanyang pagkakaaresto.
Mula noon ay sinimulan na ang bagong itinalagang special prosecution team, sa ilalim ng pamumuno ngayon ni South Korean President Lee Jae Myung, kung saan iniutos nito ang mas malalim na imbestigasyon sa mga kaso laban kay Yoon.
Bukod sa insurrection case na kasalukuyan niyang kinahaharap, iniimbestigahan pa rin ang posibilidad ng dagdag na mga kaso sa dating presidente.
Ayon sa mga ulat, inihain ang kahilingan ng detention warrant dahil sa posibleng pagtakas ni Yoon at panghihimasok sa mga saksi.
Mariin namang itinanggi ng kampo ni Yoon ang lahat ng paratang sa kanya.