-- Advertisements --

Inamin ng Cybercrime Investigation and Coordination Center (CICC) na may napansin silang nakompromisong data sa panig ng Smartmatic, na service provider ng mga vote counting machines (VCM) na gagamitin sa 2022 national and local elections.

Ayon kay CICC Executive Director Cezar Mancao II, sa ngayon ay wala silang nakikitang hacking sa offline data ng Comelec, ngunit ang Smartmatic ay kailangan pa umanong higit na tutukan ng pansin.

Sa pagtatanong ni Senate committee on Electoral Reforms and People’s Participation chairperson Sen. Imee Marcos sa Joint Congressional Oversight Committee hearing ng Automated Election System, sinabi nitong dapat maging malinaw ang pahayag na ito ni Mancao.

Pero sa halip na idetalye ang breach, humiling na lang ito ng executive session, bagay na hindi naman agad naisagawa ng mga mambabatas, dahil kailangan doon ng personal attendance.

Samantala, nanindigan naman ang Comelec na malabong maging biktima ng hacking ang data na kanilang hawak para sa nalalapit na eleksyon.

Giit ni Comelec Comm. Marlon Casquejo, kahit ang Smartmatic o sinumang outsider ay walang access sa kanilang pinaglalagyan ng mahalagang impormasyon.

Bukod dito, offline data o hardware umano ito kaya walang hacker na makakapasok.

Nasa isang secured area aniya ang impormasyon at mangangailangan ng dalawang authorizing officer para mabuksan iyon, maliban pa sa mga code na kailangan para magamit ang data.