-- Advertisements --

Tiwala ang Department of Justice na mapapalakas ang kasong inihahanda kaugnay sa pagkawala ng mga sabungero sa oras na lumabas ang panibagong mga resulta ng DNA testing.

Naniniwala ang naturang kagawaran na kung makumpirma na ang mga narekober na labi sa Taal lake ay buto ng mga nawawalang sabungero, makatutulong umano anila ito sa isinampang reklamo.

Ayon kay Justice Assistant Secretary Mico Clavano, ang pagtugma o pag-match ng mga butong narekober sa mga sabungero ay may epekto sa bigat ng kaso.

Aniya’y sa isang murder case, ang pagpresenta sa labi ng biktima ay makapagpapatunay sa naganap na krimen o mismong pagkamatay ng mga ito.

Habang sinabi naman ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na katuwang at kasama rin ang National Bureau of Investigation sa pagsusuri ng mga labi na narekober sa lawa.

Kanya itong nilinaw kasunod ng paghiling rin ng tulong sa University of the Philippines at bansang Japan sa pagsasagawa ng DNA testing.

Maalala na naghain kamakailan ang kaanak ng mga nawawalang sabungero ng reklamo sa tanggapan ng Department of Justice.

Kung saan sila’y nagsampa ng reklamong murder at serious illegal detention complaint laban sa umano’y mastermind at iba pang mga sangkot sa pagkawala ng mga sabungero.

Sa kasalukuyan ay isinasailalim na ito sa ‘evaluation’ ng prosekusyon ng kagawaran upang makumpirma kung may sapat itong batayan para tumayo bilang kaso.